Friday, November 30, 2012


Ang dulang “Si Tonying at ang Mahiwagang Aklat ng Kasaysayan” ay isinulat ni Dr. Jose Victor Torres at idinerekta ni G. Romualdo R. Tejada. Ang pangunahing tauhan ng dulang ito ay si Tonying, na isang binatang nagsasanay sa lugar na kung tawagin ay Langit-langitan, upang maging ikalabintatlong tagapagtala ng kasaysayan sa ilalim ng kaniyang tagapagturo na si Tatalasi, ang siyang tagapagtalang papalitan ng binatilyo.

Ang kahalagahan ng panonood ng dulang ito na isinabuhay ng mga mahuhusay na tagapagganap ng Harlequin Theatre Guild ay upang buksan ang kaalaman ng bawat manonood, lalo na ng kabataan, na ang kasaysayan ay sadyang makabuluhan. Ito ay naglalaman ng mga “facts” na maaaring makatulong sa atin upang mas maintindihan natin ang mga pangyayaring nagaganap sa kasalukuyan.

Gayunpaman, tila nakakalimutan na ng nakararami ang kahalagahan ng kasaysayan ng ating bansa marahil na rin sa pagbabago ng panahon. Masyado nang naging abala ang marami sa ating mga Pilipino ngayon sa paghahanapbuhay upang masuportahan ang mga pangunahin nilang  pangangailangan. Bukod dito, ang henerasyon ngayon na kung tawagin ay Generation XXX ay nadala na ng makabagong teknolohiya kaya nawawalan na ng panahon para sa mga ganitong bagay. Ang hindi lamang nila alam na ang pagaaral ng kasaysayan ay ang siyang nagbubuklod sa lahat ng mamamayang Pilipino upang mas maging  makabayan tayo sa puso at gayundin sa gawa.  Sa tulong ng pag-aaral at pagpapahalaga sa mga gawaing nakaraan, nabibigyan tayo ng kaalaman kung papaano nga ba nangyari ang mga bagay-bagay. Dahil dito, tayo ay nabibigyan ng karagdagang kaisipan sa kung anong paraan natin nakamit ang kalayaan, ano ang mga naibahagi sa atin ng mga magigiting na bayani ng ating bansa, ano nga ba ang naganap noong ikalawang digmaang pandaigdigan, at higit pa.

Para sa bahaging panapos nitong aking mapamunang papel, minsan ay sinabi ni Marcus Tullius Cicero, isang emperador ng Roma, sa kanyang sanaysay na, “History is the witness that testifies to the passing of time; it illuminates reality, vitalizes memory, provides guidance in daily life, and brings us tidings of antiquity.” Ang nais ipahayag ng sipi na ito ay kahit gaano pa kaluma ang kasaysayan ng isang bansa,  nararapat pa rin itong pahalagahan sapagkat sa mga gawaing nakaraan na ito nakasaalang-alang ang kung ano ang mayroon sa kasalakuyan at kung ano-ano pa ang mga makatutulong sa pagtahak natin sa hinaharap. Kaya naman, alamin ang tungkuling may ibig sabihin, matuto sa nakaraan gabay ang kasaysayan natin.

                                    
                                   

No comments:

Post a Comment